Ano ang UP Palisi sa Wika?
Ngayon naman ay pag-usapan natin ang UP Palisi sa Wika o UP Patakarang Pangwika. Ito ay naaprobahan sa ika-1021 Pulong ng Lupon ng mga Rehente noong ika-28 ng Mayo 1989 sa pananungkulan ni dating pangulo ng UP, Jose V. Abueva. Ito ay isang multilinggwal na patakarang pangwika na nagbibigay diin sa pagsusulong ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas.
Kung makikita natin sa petsa na ito noong 1989, ay kalalabas pa lamang ng ating Konstitusyong 1987 na nagbibigay ng pagkilala sa Pilipino bilang wikang pambansa at ang Unibersidad ng Pilipinas ang isa sa mga nangunang tagapagsulong ng ating pambansang wika sa pamagitan ng palisi na ito.
Sa palising ito, kinikilala ang papel ng wikang Pilipino sa pagtuturo, pananaliksik, at opiysal na komunikasyon, at maraming kaakibat ng mga institusyon dito na dapat ay nakakatulong dito sa ganitong pagsasakatuparan ng estado ng wikang pambansa sa loob ng ating unibersidad.
Pangunahin na dito ang pagbubuo ng Sentro ng Wikang Filipino sa buong Sistema ng UP. At ito ay particular na naitatag noong Nobyembre 1989 na siyang magtataguyod ng ating patakarang pangwika. At malinaw na nakalagay din sa ating palisi sa wika na ang Sentro ng Wikang Filipino, o SWF, ay susuporta sa mga aktibidades ng mga iskolar sa Pilipino at ibang wika sa Pilipinas.
Nais kong ipakita sa inyo ang nailathalang libro ng UP Palisi sa Wika. Ito ay nailathala noong 1992 at dito sa palisi sa wika na ito ay hindi lamang naisusulat sa wikang Filipino ang bersyon na makikita sa loob ng libro. Ito ay naisulat din o naisalin sa iba’t ibang mga pangunahing wika sa Pilipinas.
Partikular ang Sugbuwanon, ang Ilokano, Hiligaynon, Waray, Bikol, Kapampangan, Tausug, Maguindanao, Maranao, at maging sa wikang Ingles.
Ito ay makikita sa website ng Sentro ng Wikang Filipino sa sentrofilipino.upd.edu.ph at meron din naman kopya na nasa pag-iingat ng Sentro ng Wikang Filipino.